Tuesday, December 11, 2007

mindscape short story entry para sa despair part

Alas nuebe ng gabi, Nobyembre bente dos ng taong kasalukuyan. Madilim ang paligid, mabibingi ka sa katahimikan. Nakatayo ako sa gitna ng kawalan. Hawak ko ang isang rosas at isang kutsilyo.

“Bakit?”

Ang tanong na paulit-ulit na hindi masagot-sagot. Tumingin ako sa kalangitan. Naalala ko ang mga araw na kay saya, mga araw na kasama ang taong pinakamamahal.

“Sayang. Akala ko ok na, ‘yun pala…”
“…”
“Bakit ko ginawa iyon...”

Sa hindi malamang kadahilanan, pumatak ang aking mga luha. Napatingin ako sa kutsilyong hawak,

”…tapusin ko na lang kaya ang lahat sa ganito? Dito din naman nagwakas ang lahat”

Sa mga oras na iyon tila nakiramay ang kalangitan sa bigat ng aking kalooban, at bumuhos ang paunti-unting lumalakas na ulan.

“Bahala na.”

Gamit ang dalawa kong mga kamay, hinawakan ko ng madiin ang kutsilyo at sabay itinutok sa aking dibdib. Patuloy ang pagluha ng aking mga mata habang paulit ulit na binibigkas ang katagang

“mahal na mahal kita.. Patawad hindi ko sinasadya..”

Biglang tumigil ang oras, ng pukawin ng isang maliwanag na ilaw ang aking kamalayan. Nagmistulang lantang gulay ang aking katawan.Naging slow motion ang lahat habang unti-unting bumabagsak ang kaawa-awang katawan at rosas sa huling hantungan. Bago tuluyang mawalan ng ulirat, narirnig ko ang isang bulong sa kung saan.


Alas singko ng umaga, ang araw ng pinakahihintay ay dumating na. Maaga pa lang ay nag-ayos na ako ng sarili. Nagluto, kumain, naligo, nagsipilyo, nagbihis, naglagay ng gel, nag- deaodorant, nagpabango, naglinis ng sapatos, at nagsuklay. Tila isang prinsipe ang dating sa amoy at itsura. “Ayos, gwapito na.” Palabas na ako ng bahay ng biglang nag-ring ang telepono.

“ KRRRRIIINGG!! KRRRIIINGGGG!! KRRRRRIINNNGGGG!! ”

Sinagot ko. Nabalot ng katahimikan ang buong bahay. “HA?!” nagdilim ang araw sa aking mga mata, at tila may unos na darating. “Saang ospital iyan?!” nagmamadaling tanong. “Sige ate pupunta na ako!” nawala ang kasiyahan sa aking mga mukha at dali daling lumabas ng bahay. Nanlalamig na pawis, mabilis na tibok ng puso, kabadong utak. Wala ng masakyan, traffic na. Mabuti na lang at may pedicab na dumaan. “Manong! Manong!!” malakas na sigaw sa pedicab driver na tila nabibingi na sa busina ng mga sasakyan. “Saan ho kayo?” tanong ni manong.
“sa PGH ho tayo, kaya niyo po ba?”
“aba’y kalayo naman iyon. Kaya ko, pero… mahal na singilan ngayon..” Alanganing sagot ng pedicab driver.
“kahit magkano ho, basta dalhin niyo ako sa PGH.”
“sige, sakay na”
“manong pakibilisan lang po ang takbo. Buhay po ang hinahabol natin dito.”

Mabilis na pinatakbo ni Manong ang kanyang pedicab. Gitgitan sa kalye. singit dito, singit doon. Usok dito, usok doon. Walang pakialam sa mga naglalakihang sasakyan. Di nagtagal nakarating na rin ako sa ospital. Dali daling tumakbo papunta sa pasukan ng ospital. Pagpasok pa lang ng ospital nakita ko no si ate—umiiyak.

“Ate, si tatay?!”
“….”
“Si tatay?!!”
“….”
“Si tatay?!!! Ate nasaan si tatay?!!”

Mahigpit na ang hawak ko kay ate, sinisigawan. Subalit wala pa rin siyang imik at patuloy pa rin sa pagluha. Lalo akong kinabahan. Nanlalamig na pawis, mabilis na tibok ng puso, kabadong utak. Maya-maya pa’y lumabas ang isang duktor.

“Sino ang kapamilya ni Mr. Valderama?” tanung ng Duktor.
“Ako ho, anak niya” naglakas loob sumagot kasabay ang kabang nararamdaman.
“Kumusta ho si tatay?”

Umiling ang Duktor. luhang pilit pinipigil, biglang bumuhos. Lumipad na ang puting kalapati patungong kalangitan. Hindi na ako nakapagsalita. Dire-diretso ang buhos ng aking mga luha habang nakatulala sa pinto ng emergency room. Mas nadagdagan pa ang emosyonal na nararamdaman ng hawakan ni ate ang aking balikat at sabay yinakap. Sabay namin tinahak ang daan papasok sa kinaroroonan ni tatay. Nang makita ko ang matandang mukha ni tatay, parang nadurog ang aking puso. Hindi na ako makapagsalita. Si ate, tuloy pa rin sa pagluha. Niyakap namin ni ate si tatay. Isang mahigpit na yakap na tila ayaw ng pakawalan. Makalipas ang ilang oras, nagdatingan na rin sina lola at lolo. Tulad namin ni ate, humagulgol din sila sa iyak. Nabalot ang emergency room ng kalungkutan. Makalipas ang ilang oras, nahimasmasan na ako ng bahagya at lumabas ng emergency room. Naiwan sa loob sina ate, lola at lolo. Lumabas ako ng ospital. Naglakad-lakad. Napatingin ako sa aking relos. Alas onse na pala.

“Si Trisha!” Nobya ko. Fourth year college, BS Accounting.

Anibersaryo namin ngayon, kung kaya’t maaga akong nagising at nag ayos. Kaninang alas nueve pa ang labasan niya, late na ako. Agad akong sumakay ng jeep. Sa mga oras na iyon wala na masiyadong traffic. Bumaba ako sa flower shop malapit sa kanyang iskwelahan. Bumili ako ng isang pirasong rosas, dahil iyon na lang ang nabili ko sa natira kong pera matapos magbayad sa ospital. Pinunasan ko muna ang aking mga mata bago dumiretso sa kanyang iskwelahan. Habang naglalakad ako, nakasalubong ko si Joanne, kaibigan ni Trisha.

“Nakita mo ba si Trisha?”
“Nakita ko sya kanina, kasama yung kagrupo niya sa thesis. Nagmamadali umalis eh,”
“Ganun ba?”
“Baka umuwi na yun, doon kasi sila lagi gumagawa ng thesis sa condo niya.”
“Ah. Sige, salamat.”

Tinawagan ko si Trisha sa cellphone niya pero hindi niya sinasagot. Baka busy sa thesis niya. Alas dose na., bumili ako ng makakain para kina lola. Dumaan muna ako sa ospital para iabot ang pagkain. Hindi ko na tiningnan si tatay, baka muling bumuhos ang aking mga luha. Umalis din ako kaagad. Dumiretso na ako sa condo ni Trisha. Habang nasa daan, tinawagan ko ulit siya. Pero hindi pa rin niya sinasagot. Busy nga talaga. Nandito na ako sa kanyang condominium.6th floor. Room 605. Naglalakad na ako sa pasilyo patungo sa kanyang kwarto.Tinawagan ko siyang muli.Hindi pa rin niya sinasagot pero naririnig ko ang tunog ng kanyang cellphone, habang papalapit ako sa kanyang kwarto.Nasa harap na ako ng kanyang pinto. Nagulat ako sa aking narinig. Natakot. Kinabahan. Naguluhan. Sigurado ako sa aking narinig, kay Trisha ang ungol na yun. Agaran kong binuksan ang naka-lock na pinto. Hindi ako makapaniwala sa aking nakita. Sana hindi na lang ako nagpunta, sana hindi ko na lang narinig, sana hindi ko na lang nakita. Higit na mas masakit kaysa sa pagkawala ni tatay.

“Magpapaliwanag ako,”
“Sandali pare, maghunusdili ka. Hindi namin si-na..”
“P*t*ng in* mo!!” kasabay ang buong pwersang suntok sa mukha ng lalakeng kasama ng aking nobya. Hindi ko siya tinigilan hanggang sa makuntento ang nag-iinit kong mga kamao.

“Bert! Huminahon ka!” natatarantang awat ni Trisha.

Sa sobrang galit nawala na talaga ako sa tamang katinuan. Nakakita ako ng kutsilyo at tinutukan ko si Roger sa leeg.

“PU-T*NG-IN* ROGER!! BESTFRIEND KITA!! PERO PATI AKO GINAGO MO!! MGA TAKSIL KAYO!”
“Pare, mahal ko si Trisha. Hindi ko ito ginusto pero..”

Tuluyan na akong kinain ng aking kalungkutan, kasawian, kabiguan at galit. Hindi ko na din kilala ang aking sarili. Tila isang halimaw ang naging katauhan. Nagawa ko ang hindi nararapat. Nagawa ko ang pinakamatinding kasalanan. Hindi ko rin ito ginusto. Tuluyan ng nagwakas aming mga pangarap. balot ako ng dugo ng sarili kong mahal. Takot. Kaba. Panghihinayang ang naramdaman ng bumalik ako sa tamang katinuan. Agad kong nilinis ang lahat ng bakas na maaring maging sanhi ng aking kapahamakan. Tinapon. Tinago. Hinugasan. Marahan akong lumabas ng kwarto dala ang kutsilyo at rosas na tila parang walang nangyari. Mabilis na naglakad palabas ng condominium. Gabi na. Tulalang naglalakad sa kung saan. Malalakas na busina ng sasakyan, mga pulubing nanlilimos, mga babaeng mababa ang lipad ang kasabay ko sa aking kasawian. Nagtungo ako sa aming tagpuan noong kami’y mga highschool pa lang. Walang tao. Tanging ako lang at ang mga saksi sa mga pangyayari, ang kutsilyo at ang rosas. Tila ubos na ang luha. Said na ng tadhana ang bigat ng nararamdam. Nawala ang katahimikan Nang mag ring bigla ang aking cellphone. Si mama.

“Happy Birthday anak.”
“..salamat..”
“ Patawad… Kinalulungkot ko ang nangyari kay Jose. Bukas dadalaw ako. Pasensiya na anak.”
“…”
“galit ka pa rin ba?”
“sige na ma.” Sabay patay ng cellphone.
“Wala kang silbing ina.”

Bumalik ako sa aking pag-iisip.Tumingin ako sa aking relos. Alas nuebe na pala. Madilim na ang paligid, mabibingi ka sa katahimikan.

“Bakit?”

ang tanong na paulit-ulit na hindi masagot-sagot. Tumingin ako sa kalangitan. Naalala ko ang mga araw na kay saya, mga araw na kasama ang taong pinakamamahal.

“Sayang. Akala ko ok na, ‘yun pala…”
“…”
“Bakit ko ginawa iyon...”

Sa hindi malamang kadahilanan, pumatak ang aking mga luha. Napatingin ako sa kutsilyong hawak,

”…tapusin ko na lang kaya ang lahat sa ganito? Dito din naman nagwakas ang lahat”

Sa mga oras na iyon tila nakiramay ang kalangitan sa bigat ng aking kalooban, at bumuhos ang paunti-unting lumalakas na ulan.

“Bahala na.”

Gamit ang dalawa kong mga kamay, hinawakan ko ng madiin ang kutsilyo at sabay itinutok sa aking dibdib. Patuloy ang pagluha ng aking mga mata habang paulit ulit na binibigkas ang katagang

“mahal na mahal kita.. Patawad hindi ko sinasadya..”

Biglang tumigil ang oras, ng pukawin ng isang maliwanag na ilaw ang aking kamalayan. Nagmistulang lantang gulay ang aking katawan.Naging slow motion ang lahat habang unti-unting bumabagsak ang kaawa-awang katawan at rosas sa huling hantungan. Bago tuluyang mawalan ng ulirat, narinig ko ang isang bulong. “Oo. Mahal na kita.” Si Trisha noong ako’y kanyang sagutin.

5 comments:

napunding alitaptap... said...

magaling... nabilib ako sa layo ng abot ng imahinasyon...ü

Anonymous said...

salamat sa pag comment ehehehe.. ty ha..

Anonymous said...

salamat sa pag comment ehehehe.. ty ha..

Anonymous said...

Hello. This post is likeable, and your blog is very interesting, congratulations :-). I will add in my blogroll =). If possible gives a last there on my blog, it is about the Tênis e Sapato, I hope you enjoy. The address is http://tenis-e-sapato.blogspot.com. A hug.

Anonymous said...

Not bad article, but I really miss that you didn't express your opinion, but ok you just have different approach